Nagdagdag ang pamahalaan ng mga ruta para sa libreng sakay sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila nitong Biyernes bilang tugon sa ikalawang araw ng nationwide transport strike na ikinasa ng ilang transport group.

Ayon sa Department of Transportation, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang sapat na transportasyon para sa mga commuter sa gitna ng tigil-pasada. Nauna nang inanunsyo ng ahensya ang deployment ng mga bus mula sa Office of the President, DOTr, Department of Energy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police.

Isinagawa ang dalawang araw na transport strike ng No to Oil Price Hike Coalition na binubuo ng mga tsuper ng jeepney, bus, UV Express, at transport network vehicle services bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na nakaaapekto sa kanilang kabuhayan.

Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagtanggal ng excise tax at value added tax sa produktong petrolyo, pagbaba ng presyo ng langis sa P55 kada litro, pagbabasura ng oil deregulation law, pagpapatupad ng taas-pasahe at P1,200 family living wage, nasyunalisasyon ng industriya ng langis, at pagtigil ng digmaan sa Middle East. Nakatakda ring magtipon ang mga grupo sa Welcome Rotunda sa Quezon City bago magmartsa patungong Mendiola.