Obligadi umano ang gobyerno ng Pilipinas na tumugon kung magpapadala ng extradition request ang gobyerno ng United States upang mahuli si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.
Magugunita na kamakailan ay naglabas ng ulat ang Federal Bureau of Invetigation (FBI) kaugnay sa pagiging wanted ng pastor sa naturang bansa dahil sa kasong sex trafficking at child trafficking.
Ayon kay Atty. Egon Cayosa, dating presidente ng Integrated Bar of the Philippines, may kasunduan ang bansa at ng US na nakapaloob sa extradition treaty na maaaring gamitin sakali man na umuwi ng bansa si Quiboloy.
Nakapaloob aniya dito na maaaring hilingin sa lahat ng law enforcement agencies ng bansa na hulihin ang sinumang nagkasalang umuwi sa pilipinas at muling dadalhin sa US para sa paglilitis at panagutan ang kanyang sala.
Gayonman, sinabi niya na naglabas na rin ng pahayag ang Department of Justice kung saan tiniyak nilang dadaan ito sa tamang proceso at hindi poprotektahan ng pamahalaan ang sinumang may sala.
Saad pa nito, wala rin aniyang dapat na ipag-alala ang mga tagasunod ni Quiboloy kung sakali man na siya ay mahuli dahil ibibigay naman sa kanya ang karapatan na depensahan ang sarili mula sa mga alegasyon sa pamamagitan ng due process.