Patuloy ang hakbang ng administrasyon ni pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mabawasan ang kakulangan sa pabahay sa bansa. Ayon sa Pangulo, layunin ng pamahalaan na mabigyan ng maayos at abot-kayang tirahan ang mas maraming pamilyang Pilipino.

Sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4PH, sinisikap ng gobyerno na gawing mas kaya ng karaniwang mamamayan ang pagbili ng sariling bahay. Isa sa mga paraan dito ang mababang interest rate na nasa 1 hanggang 3 porsyento.

Ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD, may iba’t ibang pagpipilian ang mga benepisyaryo depende sa kanilang kakayahan. Kabilang dito ang mga condominium-type o vertical housing at house-and-lot packages.

Upang makita ang kalagayan ng mga proyekto, personal na bumisita ang Pangulo sa ilang lugar sa Gitnang Luzon. Kinumusta niya ang mga pamilyang nakatanggap na ng pabahay.

Kabilang sa mga binisita niya ang isang housing project sa Pampanga at ang Palayan Township project sa Nueva Ecija.

-- ADVERTISEMENT --

Ibinahagi rin ng Pangulo sa kanyang vlog ang kanyang pagbisita at pakikipag-usap sa mga benepisyaryo upang maipakita sa publiko ang benepisyo ng programa.