Nagsagawa ng press conference si Vice President Sara Duterte sa kanyang tanggapan sa Mandaluyong City ngayong Biyernes, Pebrero 7 ng umaga, dalawang araw matapos ibigay ng Kamara ang Articles of Impeachment laban sa kanya sa Senado na magbibigay daan sa impeachment trial.
Sinabi ni Duterte na ang tanging masasabi lamang niya sa impeachment ay “God Save the Philippines.”
Pinasalamatan din ni Duterte ang kanyang mga tagasuporta sa kanilang dasal at tiwala sa kanya sa kabila ng mga akusasyong ibinabato sa kanya.
Ayon sa kanya, manalig tayo dahil ang taumbayan ang tagumpay.
Samantala, biglang nagbago ang ihip ng hangin sa press conference ng Bise Presidente nang bigla itong magdesisyon na tumanggap ng mga katanugan mula sa media.
Sa tanong sa kanya tungkol sa impeachment, sinabi ni Duterte na noon pang 2023 ay nagsimula na ang kanyang mga abogado kung ano ang gagawing pagharap sa nasabing usapin.
Ito ay matapos na pinalutang ni ACT Partylist Rep. France Castro ang impeachment sa nabanggit na taon.
Sinabi ni Sara na dadalo siya sa pulong ng kanyang mga abogado mamayang hapon upang malaman ang mga updates sa kanilang ginagawa.
Kaugnay nito, hindi sinagot ni Duterte kung kasama sa kanyang mga abogado ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Duterte na kung iaalok ng kanyang ama na maging kasama ng defense team, hindi niya ito papayagan dahil sa kanyang edad na 80.
Gayunman, sinabi niya na maraming abogado ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na dumipensa sa kanya sa impeachment.
Kasabay nito, sinabi ni Duterte na iginagalang niya ang Senado sa kanilang gagawing susunod na hakbang sa impeachment dahil trabaho nila ito.
Idinagdag pa ni Duterte na wala naman siyang nararamdaman kaugnay sa nasabing usapin.
Samantala, muling iginiit ni Duterte na wala siyang sinabi na assassination plot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.