Inatasan ni Governor Egay Aglipay ang lahat ng mga lokal na pamahalaan sa Cagayan na paigtingin ang kanilang paghahanda kaugnay ng nararanasang tuloy-tuloy na pag-ulan, partikular na sa mga northeastern municipalities ng lalawigan gaya ng Calayan Island, kung saan nakapagtala ng 100-200 millimeters na ulan, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office

Sinabi ni Rulei Rapsing, head ng PDRRMO, ipinag-utos ng gobernador sa Task Force Lingkod Cagayan na magtungo sa kani-kanilang mga area of responsibility upang makipag-ugnayan sa mga municipal DRRMOs at kunin ang mga kaukulang ulat sa kasalukuyang kalagayan ng kanilang mga bayan.

Batay sa ulat ng ahensiya, posibleng humina ang binabantayang Low Pressure Area sa loob ng 24 na oras, na magdudulot ng pagluwag ng ulan sa apektadong mga lugar – tinatayang bababa sa 50-100 millimeters ang dami ng ulan.

Bagamat may posibilidad na tuluyang humina ang LPA bago ito makapasok sa West Philippine Sea, patuloy pa ring nakaalerto ang lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Wala namang naitalang insidente ng evacuation sa rehiyon, subalit nananatiling suspendido ang mga biyahe ng bangka at iba pang sasakyang pandagat.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, wala ring banta ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam dahil sa minimal na buhos ng ulan sa ibang bahagi ng Region 2.