
Nagpasalamat si Cagayan Governor Edgar Aglipay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan sa mga magsasaka at pagpapaunlad ng agrikultura sa lalawigan.
Sa pagpapasinaya ng Pamplona Solar Pump Irrigation Project sa Barangay Gattu, Pamplona, Cagayan, binanggit ni Aglipay ang limang rice processing center at isang corn processing center na umabot na sa groundbreaking stage, gayundin ang ₱938 milyong pondo para sa mga farm-to-market road.
Hinimok din ng gobernador ang mga magsasaka na itaas sa 1.6 hanggang 1.8 milyong metriko tonelada ang taunang produksyon ng palay mula sa kasalukuyang 1.2 milyong metriko tonelada, habang palakasin pa ang produksyon ng mais na umaabot na sa isang milyong metriko tonelada.
Pinasalamatan din niya ang iba pang programa ng pamahalaan para sa Cagayan, kabilang ang fuel subsidy, paghahanda sa El Niño, pagpapatayo ng 216 na silid-aralan, scholarship programs at ₱168-milyong dormitoryo sa Tuguegarao City.
Samantala, binigyang-diin ni National Irrigation Administration Administrator Eddie Guillen ang papel ng solar irrigation project sa pagpapataas ng produksiyon ng mga magsasaka. Hinimok niya ang mga benepisyaryo na pangalagaan at gamitin nang wasto ang pasilidad upang matiyak ang pangmatagalang pakinabang nito.
Ang proyekto ay binubuo ng tatlong solar-powered submersible pump na may kapasidad na 50 horsepower bawat isa at 384 solar panel. Sasaklawin nito ang 100 ektaryang lupang sakahan at direktang makikinabang ang 307 magsasaka mula sa mga barangay ng Gattu, Capallan, San Juan, Aliasan at Casitan.
Ayon kay Marcos, nakapagtayo na ang pamahalaan ng mahigit 3,000 solar-powered irrigation facilities sa buong bansa upang mapalakas ang produksyon sa agrikultura at makatulong sa paghahanda sa epekto ng El Niño.










