Tuguegarao- Pirmado na ni Governor Manuel Mamba ang Executive Order na nag-aatas sa mga pagamutan na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga pasyente ng COVID-19 sa lalawigan ng Cagayan.

Sa panayam kay Gov. Mamba, ito ay isang paraan upang mas mapabilis ang contact tracing ng mga otoridad sa mga nakakasalamuha ng mga pasyente ng naturang sakit.

Paliwanag nito, hindi alam ng publiko kung nakasamuha nila ang isang pasyente kung ikukubli lamang sa mga code numbers.

Sa pamamagitan aniya ng pagtukoy sa mga pasyente ay mas mapapabilis ang mga hakbang na gagawin ng mga otoridad upang tugunan ang banta ng naturang sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, suportado aniya nila kung sakali mang may ipatutupad na pagpapalawig o extension ng Enhanced Community Quarantine.

Sinabi pa ni Mamba na sa kanilang teleconference katuwang ang iba’t-ibang mga concerned agencies ay napagplanuhan na ang pagpapatupad ng ECQ.

Kailangan umanong seryosohin ito upang tuluyan ng mawala ang banta ng COVID-19 sa Cagayan.

Ang naturang hakbang ay kaugnay aniya sa target na wala ng maitatalang kaso ng PUI at positive cases ng COVID-19 sa lalawigan ng Cagayan.

Patuloy namang ipinapaalala sa lahat ang pagsunod sa mga ipinatutupad na alituntunin upang makaiwas sa virus na dulot ng COVID-19.