TUGUEGARAO CITY-Hindi aapela si Cagayan Governor Manuel Mamba sa unang naging rekomendasyon ng Inter‑Agency Task Force na muling isasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang buong probinsya ng Cagayan, simula Hulyo 1-15, 2021.
Ayon kay Mamba, ito’y dahil mataas pa rin ang naitatalang kaso ng covid-19 sa probinsya kung saan mayroon pa ring umanong 60 na naka home quarantine sa lungsod ng Tuguegarao.
Aniya, nagpapatunay lamang ito na hindi pa sapat ang quarantine facility sa mga naitatalang nagpopositibo sa virus.
Bukod sa Tuguegarao City ay biglang tumaas din ang kumpirmadong kaso ng covid-19 sa bayan ng Claveria, Sta Ana at Aparri kung kaya’t kailangan itong tutukan para mapababa ang bilang ng mga naitatalang kaso ng virus.
Sinabi ng Gobernador na hindi pa panahon para isailalim sa GCQ ang probinsya kaya kailangang magtulungan at panatilihin ang pagsunod sa mga umiiral na health protocols para hindi maahawan sa nakamamatay na sakit.
Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na naglaan sila ng tig-P100,000 sa kada barangay sa probinsya para pondohan ang “oplan kalampag/katok” o ang pagbibigay ng impormasyon na pangungunahan ng kapitan sa kanyang mga residente sa mga dapat gawin para makaiwas sa covid-19.
Samantala, nilinaw ni Mamba na E-sabong ang nangyayari sa bayan ng Iguig at kompleto umano ang dokumento kung kaya’t itoy pinapayagan.
Wala rin umanong nangyayaring kumpulan dahil mga operator lamang ang nasa loob at hindi pinapayagan ang mga mananaya sa loob ng sabungan.
Pahayag ito ng Gobernador sa impormasyong unang natanggap ng himpilan na mayroong nangyayaring tupadahan sa naturang bayan kung saan nagkakaroon umano ng kumpulan.