TUGUEGARAO CITY- Inirekomenda ni Cagayan Governor Manuel Mamba na makasuhan ng dereliction of duty ang alkalde ng bayan
ng Claveria dahil sa hindi na umano nito nagagampanan ang kanyang trabaho bilang pinuno ng Municipal
Inter-Agency Task Force sa paglaban sa COVID-19.
Nagbanta rin ang gubernador na kanyang sususpindihin si Mayor Celia Layus kung mayroon lamang magsampa
ng kaso laban sa kanya.
Bukod dito, maaari din naman isampa ang reklamo sa Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan.
Ilan na rin sa mga punong Barangay ang nagrereklamo laban sa alkalde dahil sa hindi na ito nagpapakita
o lumalabas mula nang ma- stroke nitong nakalipas na taon.
Inihayag ni Mamba na kailangang may makitang namumunong alkalde lalo na ngayon at nangunguna ang bayan
ng Claveria sa may mataas na aktibong kaso ng COVID-19 sa lalawigan sa bilang na mahigit dalawang daan.
Ito din aniya ang dahilan kung kaya naglagay ang Pamahalaang Panlalawigan ng “command post” sa
pangunguna ng Provincial Helath Office na may layuning maibaba ang kaso ng mga tinatamaan ng virus sa
naturang bayan, katuwang ang marines, pulisya at barangay health workers.
Samantala, inihayag ni Mamba na mananatili sa General Community Quarantine with heightened restrictions
ang lalawigan ng Cagayan hanggang ika-15 ng Agosto sa harap ng banta ng Delta Variant ng COVID-19 at
upang mapababa ang ang aktibong kaso.
Partikular na tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ang Tuguegarao City at Claveria.