Nanawagan si Governor Manuel Mamba sa Land Transportation Office o LTO Region 2 na huwag huliin ang mga nakamotorsiklo na walang licensiya o rehistro kung wala naman silang nagagawang paglabag sa batas trapiko.
Ginawa ni Mamba ang pakiusap bunsod ng natatanggap umano niyang mga reklamo na halos araw-araw ay may napakahabang pila ng mga nakamotorsiklo at kolong-kolong at ilang sasakyan na tumitigil sa mga gilid ng kalsada dahil sa may chackpoint ng LTO.
Ayon kay Mamba, nagdudulot umano ito ng perwisyo lalo na sa mga papasok sa kanilang mga trabaho dahil sa kailangan nilang maghintay ng ilang oras bago umandar dahil sa wala silang lisensiya o rehistro ng kanilang sasakyan.
Nilinaw ni Mamba na hindi niya kinokunsinti ang mga motorista na walang driver’s licence o iba pang dokumento ng kanilang mga sasakyan.
Hiling niya sa LTO na gumawa ng ibang hakbang upang maresolba ang katulad na problema.
Idinagdag pa niya na dapat din na intindihin ang mga nakamotorsiklo lalo na ang papasok sa kanilang mga trabaho dahil kailangan nilang kumita para sa kanilang pamilya.