Nangako si Governor Manuel Mamba ng tulong sa mga nasawi sa pagbangga ng Florida bus sa isang pick-up sa bayan ng Abulug, Cagayan kaninang madaling araw na ikinasawi ng 11 na sakay ng pick-up.
Sinabi ni Mamba na inatasan na niya ang Provincial Social Welfare and Development Office na puntahan ang ang pamilya ng mga nasawi at maging ng mga nasugatan para sa tulong na ibibigay sa mga ito.
Ipinaabot din ni Mamba ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng mga namatay na biktima.
Samantala, kinilala na rin ng PNP ang mga nasawi na ang mag-amang sina Rodolfo Time Sr. at Rodolfo Time Jr., ang magkapatid na sina Evelyn Time at Christina Jane Time, kasama ang kanilang mga kaanak na sina Mary Jane Time, Lovely Time, Crishia Shane Time ,Kimberly Mangupag-Time, Rodelyn Time, at Angel Time, pawang mga residente ng bayan ng Allacapan.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Abulug, papasok sa national highway mula sa inner road ang pick-up nang salpukin ito ng bus.
Tumilapon ang mga biktima na dahilan ng kanilang agarang kamatayan.
Sinabi ni PMAJ Antonio Palattao, hepe ng PNP Abulug na galing sa lamay sa Santa Marcela, Apayao ang pick-up lulan ang 13 magkakamag-anak at pauwi na sana sila sa Barangay Daan-ili, Allacapan.
Ayon kay Palattao, galing naman ng Baguio City ang bus at papunta sana sa Santa Ana, Cagayan.