Tuguegarao City- Humingi ng paumanhin si Cagayan Gov. Manuel Mamba kaugnay sa naging pahayag nito sa Senate Committee Hearing na “walang Muslim sa Cagayan kaya maganda ng kalagayan ng peace and order situation sa lalawigan”.
Paglilinaw nito na ang ibig niyang sabihin ay walang paniniwalang extremism ang mga muslim na naninirahan sa Cagayan na nakaaapekto sa usaping pangkapayapaan ng lalawigan.
Ang naging pahayag nito ay hindi umano sinadya at hindi lamang nabigyan ng diin ang pagtukoy sa kawalan ng presensya ng extremists sa Cagayan kaya’t walang dapat na ikatakot ang mga negosyante.
Ipinagpaumanhin rin nito ang maling konteksto na idinulot ng kanyang naging pahayag.
Depensa ng gobernador ay nirerespeto nito ang paniniwalang islam sa usaping pangkapayapaan at hindi ang mga karahasang dulot ng extremism.
Malapit aniya ang kalooban nito sa mga muslim na naninirahan sa Cagayan kung saan ay mayroon ding mga nabigyan na ng trabaho mula ng umupo siya bilang Gobernador ng Cagayan.
Ginawa ng gobernador ang naging pahayag nito kahapon kasabay sa isinagawang Senate Committee Hearing kaugnay sa imbestigasyon ng malawakang pagbaha sa Cagayan.
Maalalang una rito ay umani rin ng batikos si Gov. Mamba kaugnay sa naging pahayag nito sa isang panayam na walang ginagawa ang mga guro.