TUGUEGARAO CITY- Makakatunggali ng mag-asawang Atty. Mabel at incumbent Governor Manuel Mamba ang mag-asawang sina Dr. Zarah at incumbent 3rd District Congressman Jojo Lara sa lalawigan ng Cagayan.
Itoy matapos maghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) para sa pagka-kongresista si Atty. Mabel sa pamamagitan ng substitution kung saan pinalitan niya si dating Provincial Administrator Rodolfo Alvarado na nagwithdraw ng kaniyang kandidatura.
Paliwanag ni Alvarado na matagal na siyang nanilbihan sa gobyerno kung kaya nagdesisyon siyang umatras at ipaubaya sa mas bata ang posisyon.
Malugod naman aniya itong tinanggap ng maybahay ni Gov. Mamba kung saan ipinaliwanag niya na sa last minute siyang naghain ng kandidatura dahil nagkaroon pa ng konsultasyon sa mga ibang posibleng tatakbo na magsusulong ng tunay na progreso sa lalawigan.
Kung papalarin ay isusulong umano niya na maging limang distrito ang Cagayan at gawing isang probinsiya ang isla ng Calayan para mas malaking pondo ang magagamit sa mga proyekto at programa na makakatulong sa pag- unlad ng lalawigan.
Si Atty. Mabel ay dating nanilbihan bilang PCSO Director sa ilalim ng nagdaang Aquino administration kung saan makakalaban niya sa halalan si Congresman Jojo Lara habang ang maybahay nito na si Dr. Zarah ay makakatunggali naman ni Gov. Mamba.
Samantala, umatras naman si Junie Pascual sa pagka-board member ng unang distrito ng Cagayan.
Ayon naman kay Atty Michael Camangeg, election supervisor ng COMELEC sa Cagayan na posible pa rin naman ang pagwithdraw o substitution pero para lang sa mga na-disqualify o kandidatong pumanaw.
Dapat din umanong kapareho ang apelyido ng substitute dahil hindi na mababago ang nakaimprenta sa balota.