TUGUEGARAO CITY – Ipinag-utos ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla ang pagtatatag ng checkpoint upang mapigilan ang paglalabas ng mga extracted mineral sa minahan sa Barangay, Didipio, Kasibu.

Kasunod ito ng patuloy na operasyon ng OCEANAGOLD Philippines Inc. (OGPI), sa kabila ng expired na lisensiya nito o ang “Financial or Technical Assistance Agreement” (FTAA) nitong Hunyo 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Padilla na sisitahin at huhulihin ng kapulisan at mga opisyal ng Barangay ang mga sasakyan ng Australian mining firm na maglalabas ng mga minerals sa minahan.

Iginiit ng gubernador na iligal ang operasyon ng dayuhang kompanya kung kaya dapat nang itigil ang operasyon nito.

Matatandaan na umapela ang mga anti-mining groups kay Pangulong Rodrigo Duterte na irespeto ang kanilang desisyon dahil sila umano ang nakakaranas ng negatibong epekto ng pagmimina sa nasabing lugar.

-- ADVERTISEMENT --