Umapela ng tulong si Governor Manuel Mamba sa national government para sa mga nasalanta ng malawakang pagbaha na dulot ng amihan at tail end ng cold front.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mamba na matapos ang dalawang linggong pananalasa ng magkasunod na bagyo ay muling isinailalim sa state of calamity ang lalawigan.
Ito ay upang kagyat na mabigyan ng tulong ang mga apektadong pamilya at makarekober sa pinsalang idinulot ng baha matapos umabot sa critical level ang Cagayan river.
Ayon sa gubernador, mas matindi ang pagbahang nararanasan sa kasalukuyan kung saan malubhang apektado ang 22 bayan o halos buong lalawigan.
Sinabi ni Mamba na hindi pa nakakabangon ang Cagayan sa pinsalang idinulot ng dalawang magkasunod na bagyo ay mas malubhang pinsala ang idudulot ng nararanasang malawakang pagbaha sa mga ari-arian, crops, livestock at imprastruktura.
Ayon pa sa Gobernador suspendido pa rin ang trabaho at klase sa lahat ng antas sa pampubliko o pribadong paaralan sa lalawigan ng Cagayan maliban na lamang sa mga kawani na bahagi ng rescue operation.
Kasabay nito, sinabi ni Mamba na umiiral pa rin ang “LIQUOR BAN”.