TUGUEGARAO CITY-Nahaharap sa kasong pagnanakaw ang isang estudyante habang pinaghahanap ang kanyang kasama matapos pagnakawan ang isang establishimento dito sa lungsod ng Tuguegarao.

Kinilala ang nahuling suspek na si Christian Macababbad,18-anyos , grade 12 at residente ng Brgy Linao East habang kinilala lamang sa pangalang “Alvin” ang kasama nito.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel George Cablarda ,hepe ng PNP-Tuguegarao,nakitaan umano ng kakaibang galaw ang dalawang suspek kung kaya’t agad ipinagbigay alam ng hindi na pinangalanang may-ari ng establishimento sa naka-duty na security guard.

Agad namang ininspeksyon ng security guard ang hawak na bag ng isang suspek at nakita ang isang T-shirt na mayroon pang price-tag na kinuha sa nasabing establishimento.

Ngunit, habang isinasagawa ang inspekyon tumakbo umano ang isang suspek kung kaya’t si Macababbad lamang ang nahuli.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na matagal na umanong minamanmanan ng may-ari ng establishimento ang dalawa matapos mapansin na ilang araw nang pabalik-balik ang mga ito sakanilang pwesto.

Samantala, mariin namang itinanggi ng nahuling suspek na wala umano siyang kinalaman sa pagnanakaw.

Sa naging panayam kay macabbad, bagong kilala lamang umano niya si Alvin at hindi umano niya alam ang plano ng kanyang kasama na magnakaw.

Sakabila nito, kulong parin si macababbad habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.