Pinabulaanan ng Department of Education (DepEd) ang mga kumakalat na balita sa social media na magkakaroon umano ng Grade 13 sa senior high school simula sa School Year 2025-2026.
Ayon sa DepEd, ito ay pawang “fake news” at walang katotohanan.
Sa kasalukuyan, dalawa lamang ang lebel ng senior high school sa bansa—Grade 11 at Grade 12.
Muling nagpaalala ang kagawaran sa publiko na maging mapanuri at mag-ingat laban sa maling impormasyon.
Hinihikayat din nila ang lahat na kumuha lamang ng impormasyon mula sa kanilang opisyal na social media accounts. Ang mga pekeng balita gaya nito ay maaaring magdulot ng kalituhan sa mga magulang at mag-aaral.
Samantala, inihayag din ng DepEd na ang susunod na pasukan ay magsisimula sa Hunyo 16, 2025, at magtatapos sa Marso 31, 2026, batay sa DepEd Order No. 12, Series of 2025.
Ito ay bahagi ng pagbabalik sa dating school calendar bago ang pandemya.