
Labis ang iyak ng isang Grade 6 student matapos siyang sakalin ng kapwa mag-aaral sa loob ng isang paaralan sa Bugasong, Antique noong Enero 7, 2026.
Sa isang video na kuha sa loob ng silid-aralan, makikita ang biktima na umiiyak habang sinasakal ng kaniyang kaklase. Nangyari ang insidente habang wala ang kanilang guro, at kalaunan ay inawat sila ng iba pang mga estudyante.
Ayon sa ina ng biktima, napagbintangan ang kaniyang anak na umano’y nanipa sa kaklaseng nanakit sa kaniya, na naging dahilan ng pananakit.
Dahil sa insidente, na-dislocate ang kaliwang siko ng bata. Siya ay kasalukuyang naka-confine sa ospital at kinakailangang sumailalim sa operasyon.
Nagbigay na ng tulong-pinansyal ang pamunuan ng paaralan para sa gastusing medikal ng biktima. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente, at inaasahang mag-uusap ang mga magulang ng dalawang estudyante upang mapag-usapan ang nangyari.
Inatasan na ring magsumite ng ulat ang principal at district supervisor ng Bugasong sa DepEd Schools Division Office. Samantala, patuloy pang kinukuha ang panig ng pamilya ng estudyanteng sangkot sa pananakal.
Bilang tugon, nagsagawa ang mga kinauukulan ng psychological first aid at anti-bullying lecture para sa mga Grade 6 pupils na sangkot at apektado ng insidente.










