Pinakawalan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang green sea turtle na aksidenteng nahuli ng isang mangingisda sa coastal area ng Gonzaga, Cagayan.
Pinangunahan ng mga opisyal ng PENRO-Cagayan at CENRO-Aparri na may sakop sa bayan ng Gonzaga ang pag-tag at pag-release sa pawikan.
Nakasaad sa kalatas ng DENR na isang nagngangalang Rene Flores, isang mangingisda sa Barangay Batangan, ang nag-ulat sa Local Government Unit ng Gonzaga ukol sa pagkakahuli nito ng isang Green pawikan habang nangngisda gamit ang sapyaw o fishnet sa loob ng municipal water noong madaling araw ng Hulyo 5, ngayong taon.
Ayon kay Aparri CENR Officer Joselito Razon, ang sea turtle na may haba na 104 centimeters at 95 centimeters width curve carapaces ay nagmula sa Sandakan, Sabah, Malaysia dahil nakita sa kaliwang flipper nito ang isang tag na may code na MY(S) 133344.
Na-obserbahan naman na nasa maayos na kondisyon ang pawikan kung kayat nilagyan ito ng tag na PH 2181B sa kanang flipper nito bago pinakawalan sa karagatan.
Sinabi ni PENR Officer Enrique Pasion na ang mga green sea turtles na kumakain ng seagrasses bilang pangunahin nilang pagkain ay nakalista bilang endangered species ng International Union for Conservation of Nature and Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora.
Ang presensiya aniya ng pawikan sa mga shoreline ay indikasyon na maayos pa rin ang kondisyon ng karagatan sa lalawigan.
Matatandaan na isang leatherback sea turtle ang nangitlog sa coastal area ng Sta. Ana, Cagayan nitong nakalipas na buwan ng Mayo at Hunyo.
Kaugnay nito, pinaigting ng DENR Region 2 ang mga hakbang sa pangangalaga sa karagatan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Coastal and Marine Ecosystems Management Program at pakikipagtulungan sa mga local government units, law enforcement agencies, coastal communities, at iba pang partners.