Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang reklamong isinampa laban sa aktres na si Gretchen Barretto at iba pa kaugnay sa kaso ng missing sabungeros.

Sa 120-page joint resolution, sinabi ng panel of prosecutors na “speculative and uncorroborated” ang mga ebidensya laban sa umano’y Pitmaster Alpha Group, kung saan kabilang ang aktres.

Ayon sa prosecutors, inakusahan lamang ng Patidongan brothers ang mga akusado kabilang si Barretto na dumalo sa pulong kung saan doon umano napagdesisyonan na parusahan ang mga nandaya na sabungeros.

Gayunman walang maipakita na patunay na nagbigay sila ng direct order, kasama sa logistics, o may alam sa pagdukot sa mga sabungero.

Kaya naman sinabi ng panel na maaaring ibasura na ang reklamo dahil sa lack of merit.

-- ADVERTISEMENT --

Maaari namang muling magsampa ng reklamo laban kina Gretchen sakaling may lalabas na mga abidensiya sa hinaharap na magpapakita at magpapatunay na mayroong direktang partisipasyon ang aktres sa nasabing kaso.

Naglabas naman ng pahayag ang kampo ng dating aktres matapos ang inilabas na desisyon kaugnay sa isinampang reklamo laban sa kanya.

Sinabi ni Atty. Alma Mallonga, na nagpapasalamat ang kanyang kliyente sa desisyon ng DOJ

Samantala, nakitaan naman ng prima facie evidence o paunang ebidensya para masampahan ng kaso ang negosyanteng si Atong Ang at 21 iba pa ng kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention.