Kinondena ni Cathy Estavillo spokesperson ng Bantay bigas, ang naging pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na bumaba na ang bilang ng mga food poor sa bansa.

Ito ay matapos pang sabihin ni Balisacan na hindi maituturing na mahirap ang mga Pinoy na gumagastos ng nasa P64 kada araw o P21.3 kada meal sa buong araw.

Napakalayo aniya sa reyalidad sa talagang ginagastos ng bawat pamilya sa kanilang pagkain kung kaya’t hindi dapat ito ang nagiging sukatan ng gobyerno sa kahirapan.

Bagama’t may binabanggit silang mga produkto o pagkain na maaaring bilhin sa halagang 64 pesos ay hindi parin ito sapat lalong lalo na hindi rin makakapagbigay ng sustansya kung araw araw itong ginagawa.

Inihalimbawa nito ang kanilang naging pag aaral sa isang pamilya na kung saan ang limang miyembro nito ay nangangailangan ng isa’t kalahating kilo ng bigas sa isang araw na nagkakahalaga ng P90 at maituturing pang tipid para sa kanila.

-- ADVERTISEMENT --

Ganundin sa kanilang pang almusal na P150 ang budget, P190 sa tanghalian habang P164 naman para sa kanilang pang hapunan, na sa kabuuan ay aabot sa mahigit P500 sa kada araw na kanilang nagagastos at napakalayo sa binabanggit ni Balisacan.

Patunay lamang aniya na walang ginagawang pagsusuri ang gobyerno at hindi alam ng mga ito ang totoong nangyayari sa mga buhay ng mga mamamayang Pilipino sa ating bansa kung kaya’t hindi dapat naglalabas ng datos ang mga ito kung wala namang konkretong batayan.

Sa kabilang banda sinabi pa ni Estavillo na hindi dapat magtaka si Balisacan kung bakit hindi kaya ang 64 pesos kada araw sa bawat tao lalong lalo na at tumaas ang ating inflation mula sa 3.7 na tumaas ng 4.4 percent, ibig sabihin ay mabilis rin ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin na dapat inaaral at tinutugan ng gobyerno.

Hinahamon naman ni Estavillo ang gobyerno na magsagawa ng interview sa mga mamimili sa palengke lalong na ang mga nanay na ang trabaho ay seasonal at ang kanilang asawa ay construction worker kung saan ang sahod ay minimum wage at kinakailangan pang magbayad ng transportasyon, kuryente, tirahan at marami pang iba.