Nanawagan ang grupo ng bantay bigas na dapat ng buwagin ang pag iimport ng mga bigas dahil wala naman itong silbi at nagsisilbing patunay na may ibang agenda ito at mga negosyante lamang ang nakikinabang at hindi talaga nangyayari ang sinasbaing magkaroon ng mas maraming suplay upang bumaba ang presyo ng bigas.

Ito ay matapos na matuklasan ang nakatenggang 20 million kilo ng bigas sa Manila International Container Port (MICT) at South Harbor na nasa 900 containers kung kaya’t maituturing na napakalaking hoarding umano nito.

Ayon kay Cathy Estavillo tagapagsalita ng grupong bantay bigas, maaring nasa mahigit kumulang siyam ba buwan ng nakatengga ang mga sako sakong bigas.

Dahil dito ay kinakailangan pang palakasin lalo ng gobyerno ang ating lokal na produksyon at siguruhin na ang pangangailangan sa pagkain ay lilikhain ng ating mga magsasaka.

Bukod dito ay nararapat rin na gawing prayoridad ang pagpapalakas sa local production sa pamamagitan ng 10% sa GDP na ilalaan sa pondo ng agrikultura.

-- ADVERTISEMENT --

Ganundin aniya sa subsidiya ng gobyerno dahil ang mga bansa gaya ng Thailand at Vietnam na subsidize ng gobyerno ang pangangailangan ng mga magsasaka at maging sa irigasyon kung kaya’t nakakapag produce ang mga ito ng lampas pa sa pangangailangan ng kanilang populasyon.

Kasabay din nito ang pagsiguro na ang lupang pinagsasakahan ng mga magsasaka ay hindi maaagaw o makukuha sa kanila at higit sa lahat ay nararapat lamang din umano na palakihin pa ang mga lupang natatamnan ng pagkain dahil lumalaki ang ating populasyon..

Sa ngayon ay umaasa naman si Estavillo na mailalabas na ang pangalan ng mga may ari ng mga bigas na nakatengga sa pantalan upang makasuhan na ang mga ito.