Inihayag ng grupong Bantay Bigas na palpak ang resulta ng implimentasyon ng Executive Order 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa gitna ng pagbawi dito ay hindi naman bumaba ang presyo ng bigas.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo, bukod sa lalong tumaas ngayon ang presyo ng bigas ay nagresulta rin ito sa pagkalugi ng maraming mga retailers at hindi rin sumapat ang halaga ng ayudang ibinigay sa mga ito.
Hindi aniya dapat na retailers ang dumanas sa epekto ng price cap dahil sa halip na sa kanila ito ipataw ay dapat sanang ipinatupad ito sa mga whole salers na sa kanila mismo nanggagaling ang supply ng bigas.
Paliwanag niya, ang pagkakasabat ng tonetoneladang bigas sa maraming malalaking warehouses sa bansa ay kahayagan na may hoarding at manipulasyon sa presyo na hindi naman natugunan ng pagpapatupad ng price cap.
Ipinunto ni Estavillio na sa halip na maibaba sa pangakong P20 sa kada kilo ang bigas ay lalo pa itong tumataas na hindi na halos kayang bilhin ng mga mahihirap na pilipino.
Suhestyon ng grupo na dapat pagtuunan ng pansin ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng produktong palay ngayong panahon ng anihan at nanawagan na ibaba ang kalidad o standard sa pagbili lalo na sa dryness at cleanliness requirements.
Kung kaya aniyang bilhin ng mga traders ang freshly harvest na mga palay sa tama at mataas na halaga ay mas kaya ito ng gobyerno lalo pa at wala namang kakayahan ang mga magsasaka na masunod ang itinatakda nilang standards sa pagbili dahil sa kakulangana ng mga post harvest facilities.
Iginiit nito na hanggat ang mga traders at millers na sila ring importers ang bumibili sa malakihang bulto ng palay ng mga local farmers ay hindi matitigil ang manipulasyon at pagtaas ng presyo ng bigas sa bansa.