TUGUEGARAO CITY-Naglunsad ng proyekto ang grupo ng kabataan sa Barangay Antagan, Tumauini, Isabela na naglalayong tulungan ang mga residente sa lugar habang nakakaranas ng krisis na dulot ng covid-19 ang bansa.
Ayon kay Aldrin Cabutaje, Sanguniang Kabataan ng Brgy. Antagan, tinawag itong “project Kalasag o kabataan laban at sagot sa pandemya” kung saan mayroong 19 na aktibidad ang nakapaloob sa naturang proyekto.
Katuwang ng kanilang grupo ang International group na mula sa Singapore na silang nagbigay ng pondo para gagamitin sa naturang proyekto.
Aniya, sinimulan na ng kanilang grupo ang pamimigay ng tulong mula noong isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon kung saan ilan sa kanilang nagawa na ay ang pamimigay ng pagkain sa grupo ng mga agta sa Sierra Madre.
Bukod dito, namigay na rin sila ng pagkain at tubig sa 500 kabahayan sa kanilang barangay na mayroong mahigit 1,000 indibidwal.
Nagpaabot na rin ang kanilang grupo ng N95 face mask sa mga health workers sa Isabela at namigay na rin sila ng libro sa mga kabataan sa kanilang lugar.
Nabatid na nakilala ni Cabutaje ang nasabing grupo dahil sa naging kinatawan siya sa international event sa national youth commission nitong mga nagdaang taon.
Kaugnay nito, labis ang pasasalamat ni Cabutaje sa nasabing grupo na tumutulong sa kanila maging sa mga kapwa nito kabataan sa kanilang ipinapakitang suporta sa kanilang mga proyekto.