TUGUEGARAO CITY-Hindi alintana ng grupo ng mga kabataan ang pagod at panganib na posibleng mahawa sa coronavirus disease (COVID-19) maipaabot lamang ang ayuda sa mga kapwa nila kabataan na hindi nakauwi sa kanilang mga tahanan nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay John lloyd Narag, presidente ng Rotaract Club of Tuguegarao, agad nilang kinuha ang datos ng mga kabataan na stranded at nagpaabot ng tulong kung saan ilan sa kanilang ibinahagi ay delata,itlog, tinapay at bigas.
Nakipag-ugnayan din ang kanilang grupo sa pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao sa pangunguna ni Mayor Jefferson Soriano na kung maaari ay maglaan ng pondo para sa mga estudyanteng hindi nakauwi, na agad namang binigyan ng aksyon ng alkalde.
Aniya, sila mismo ang nag-aabot ng tulong sa mga estudyante para masigurong makakarating sa kanila ang ayuda.
Sinabi ni Narag na tatlong beses na silang nagpaabot ng tulong sa nasa 528 na estudyante bukod pa sa 64 na stranded na manggagawa sa Tuguegarao.
Ang Rotaract Club of Tuguegarao ay binubuo ng pitong estudayente na mula sa mga iba’t-ibang unibersidad sa lungsod katuwang si Dr. Zsa zsa Meneses.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang kanilang grupo sa mga bayan kung saan nakatira ang mga estudyante na sunduin ang kanilang mga residente.
Sa ngayon, 68 na estudyante ang kanilang napauwing stranded mula sa iba’t-ibang bayan maging sa mga kalapit na probinsiya.