Nanawagan ang isang grupo ng mga guro sa Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa alegasyon na may “ghost students” sa ilalim ng senior high school (SHS) voucher program ng Department of Education (DepEd) para mahuli ang mga gumawa ng nasabing iregularidad.
Suportado rin ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang inisyatiba ng DepEd na habulin ang mga indibidual na nagmanipula sa sistema para sa kanilang personal na interes.
Una rito, isiniwalat ni Education Secretary Sonny Angara na ang umano’y scheme ay base sa kuweationableng mga claims na ginawa ng 12 pribadong eskwelahan sa ilalim ng voucher program para sa SHS students na natuklasan
na ghost students.
Natuklasan ito matapos na itigil ng DepEd ang paglalabas ng P52 million na halaga ng vouchers para sa school year 2023 hanggang 2024.
Dahil dito, sinabi ni TDC chair Benjo Basas na kailangan ang mas malakas na transparency at accountability measures sa implementasyon ng mga support system na pinopondohan ng pamahalaan.
Idinagdag pa ni Basas na hindi sapat ang paghabol sa mga sangkot sa iregularidad, sa halip ay magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa umano’y mga ghost students sa nasabing programa ng pamahalaan.
Iginiit niya na ito ay para matiyak na ang mga mastermind sa nasabing scheme ay mapapanagot at may malikha na mga batas upang maiwasan ang mga katulad na pang-aabuso sa hinaharap.