TUGUEGARAO CITY-Dismayado ang grupo ng mga magsasaka sa hindi maayos na pag-validate ng National Tobacco Administration (NTA) sa mga magsasaka ng tabako na naapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon kay Cita Manaligod ng grupong magsasaka, kung mayaman at malapit sa opisyal ay agad na tinuturo ang kanilang “kamarin” na nasira kahit maari pang gamitin.
Gayong ang mga magsasaka na talagang nasiraan ay hindi nabibigyan ng pansin kung kaya’t hindi naipapasama sa mga nabibigyan ng ayuda.
Bukod dito, sinabi ni Manaligod na hindi rin mahusay o maayos ang pagpaparehistro ng NTA sa mga nagtatanim ng tabako kung kaya’t hindi masinop ang pagkuha ng benipisyo ng Tobacco excise tax.
Ayon kay Manaligod, marami ang mga magsasaka ng tabako na wala sa listahan ng NTA at wala ring I.d na dahilan ng kawalan ng tulong na natatanggap sa tuwing may kalamidad sa bansa.
Samantala, nilinaw rin ni Manaligod na maari pa ring maka-avail ng Tobacco Excise Tax ang mga dating magsasaka ng tabako na nag-convert sa pagtatanim ng ibang produkto tulad ng mais at palay.