Ikinababahala ng grupo ng mga mangingisda sa bansa ang naging banta ng China na hulihin na ang mga ‘trespassers’ sa WPS simula June 15, 2024.
Ayon kay Pablo Rosales, ang national chairman ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Mangingisda (Pangisda-Pilipinas), tiyak na mapagkakaitan ang mga Pilipinong mangingisda ng sapat na pangkabuhayan, kasabay ng pagpapatupad sa naging banta ng China.
Hindi aniya kailangan ng mga mangingisda ang ayuda mula sa pamahalaan bagkus ay sapat nang matiyak ang kanilang seguridad sa kanilang paglalayag at pangingisda sa WPS na siyang pangunahin nilang tinutungo.
Nais malaman ng grupo kung kaya ba talaga ng pamahalaan na makapagbigay seguridad sa mga mangingisdang Pilipino, lalo na ang mga nagagawi sa Bajo De Masinloc.
Ayon pa kay Rosales, mula noong 2014 ay tuloy-tuloy na ang harassment na ginagawa ng China sa mga mangingisdang Pilipino.
Lalo aniya itong tumindi kasunod na rin ng pagpapalakas ng Pilipinas sa mga patrol operations at military exercises, kasama ang US at iba pang mga bansa.