Pinili na lamang umano ng ilang grupo ng mga mangingisda sa Zambales na hindi na mangisda sa Bajo de Masinloc.

Ito ay dahil na rin sa pangamba ng mga mangingisda dahil sa banta ng China na panghuhuli sa kanila, kasunod ng pagpapatupad sa ‘no trespassing rule’ nito sa WPS.

Ayon sa isa sa mga lider ng mga mangingisda sa Zambales na si Philip Macapanas, mula nang may nakabantay na mga barko ng China sa loob ng Bajo de Masinloc ay hindi na umano sila nangingisda rito.

Dahil dito ay lalong lumiit aniya ang kanilang kinikita dahil sa mababa ang volume ng mga isdang nahuhuli sa labas nito.

Inihalimbawa ni Macapanas ang kanilang kinikita sa loob ng isang linggo kung saan ang isang mangingisda umano ay nakakapag-uwi ng mula P7,000 hanggang P8,000 kapag napagbigyan na mangisda sa Bajo de Masinloc, pero kung sa labas lamang sila mangisda ay hanggang P1,500 lamang ang naiuuwi ng isang mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, may mga kasamahan na siyang unang nakaranas ng pambobomba ng tubig mula sa mga barko ng China, kayat isa ito sa kanilang iniiwasang maulit.

Hiniling naman nito ang presensya ng mga barko ng Pilipinas na tulungan o alalayan silang mangisda sa lugar, na pangunahing fishing ground ng mga lokal na mangingisda sa Zambales.