TUGUEGARAO CITY-Nanawagan ang grupong Amihan sa Marcos administration na palakasin ang local food production sa bansa sa gitna ng mataas na presyo ng pagkain sa merkado.
Kasabay ng isinagawang rally ng grupo sa harap ng Department of Agriculture central office ang pagkondena sa importasyon na palagiang tugon ng gubyerno sa pagtaas ng presyo ng bilihin tulad ng bigas, karne, sibuyas at iba pa
Ayon kay Cathy Estavillo, secretary general ng AMIHAN, pansamantalang solusyon lamang ang pag-aangkat ng suplay at hindi dapat gawing long term solution.
Mandato din aniya ng DA na magpatupad ng mga programang makatutulong sa industriya ng agrikultura at matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng production subsidies at support services.
Dagdag pa ni Estavillo na ang kasalukuyang krisis sa pagkain ay naglantad sa kawalan ng kakayahan at kawalang-silbi ni Marcos bilang kalihim ng agrikultura.
Sa pag-aangkat pa lamang ng bigas, naitala noong 2022 ang record high na 3.8 million metric tons ngunit hindi naman bumaba ang presyo nito sa merkado.
Bukod sa bigas, tinutulan din ng grupo ang importasyon ng asukal at ang nakatakdang pag-aangkat ng sibuyas sa panahon ng anihan.
Ipinanawagan din ng grupo ang pagpapanagot sa mga smugglers ng agricultural products sa bansa dahil kung walang makukulong ay walang madadala at walang matatakot na gumawa ng iligal sa bansa.
Dahil dito, iginiit ng grupo na dapat na magbitiw na bilang kalihim ng DA si Marcos at ibigay ito sa kayanang pamahalaan ng maayos ang ahensiya.