Nagpaalala ang grupong Ban Toxics sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga laruang pangregalo para sa mga bata ngayong Kapaskuhan.

Ayon kay Thony Dizon ng Ban Toxics, sa kanilang isinagawang pag-aaral kasama ang Environment and Social Development Organization (ESDO) mula Bangladesh, natuklasan nila na maraming plastic toys na binebenta sa mga tiangge ang may mga kemikal na mapanganib sa kalusugan ng mga bata.

Base sa pagsusuri, umabot sa 257 na iba’t ibang plastic toys ang nahanap na may mataas na antas ng mga kemikal na maaaring magdulot ng panganib katulad ng mercury, bromine, chlorine at iba pa kung saan mas apektado dito ang mga mahihirap na komunidad, dahil sila ang madalas bumili ng mga murang laruan.

Lumabas din sa resulta na maraming laruan ang hindi sumusunod sa safety standards at walang tamang labeling o babala tungkol sa mga panganib na dulot ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa nito.

Ayon kay Dizon, ito ay isang malinaw na indikasyon ng kakulangan sa mga umiiral na regulasyon at implementasyon, lalo na sa transboundary trade ng mga hazardous toys.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, nanawagan umano ang grupo ng mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng kemikal sa paggawa ng plastic toys at pagtutok sa mas mahigpit na monitoring ng mga regulatory agencies.

Dapat din aniya na magkaroon ng harmonized labeling upang masiguro ang kaligtasan ng mga produkto para sa mga bata.