Hinimok ng grupong ban toxics ang publiko lalo na ang mga magulang na dapat maging mapanuri sa mga binibiling laruan ng mga maliliit na bata.
Ito ay kaugnay sa pagdami ng lumalabas na mga laruan na gawa sa super absorbent polymer plastic o expandable water toys na mapanganib sa kalusugan ng mga batang maglalaro nito.
Sinabi ni Tony Dizon, campaigner ng ban toxics na ang naturang mga laruan ay gawa sa ibat ibang uri at hugis ng mga insekto o mga hayop na kapag binabad sa tubig ay lumalaki sa loob ng hanggang tatlong araw.
Batay aniya sa pag-aaral ay maaaring magdulot ang mga ito ng choking hazard o ang panganib kung ito ay nalunok at pagbara sa lalamunan ng mga bata bukod pa sa taglay nitong kemikal.
Nakita aniya sa label ng naturang mga laruan na kadalasang ibinebenta sa divisoria sa manila na ito ay maaaring laruin ng edad tatlo pataas ngunit sa ganitong klase ng mga laruan ay hindi na dapat nilalaro ng mga maliliit na bata.
Inihalimbawa nito ang naging patok na water beads noong 2019 na ipinagbawal din ng Food and Drug Administrartion dahil sa dulot nitong panganib sa kalusugan ng mga batang maglalaro nito.
Dahil dito ay hinimok ng grupo ang FDA na maglabas ng kaukulang paabiso o advisory na nag-aatas ng pagbabawal sa pagbebenta ng ganitong uri ng laruan lalo na at nalalapit na ang pre-holiday shopping bago mag pasko at bagong taon.