Umaasa ang isang envronmental group na Ban Toxics na maisasama sa MATATAG curriculum ang tungkol sa ating kalikasan.
Sinabi ni Thony Dizon ng nasabing grupo na isa lamang sila sa maraming grupo na nagsusulong ng Toxics Free and Waste Free School Program na may layunin na maisama sa basic education ang mga environment concerns upang matiyak ang kalinisan at kaligtasan sa mga estudyante, mga guro at iba pang kawani ng Department of Education.
Ipinaliwanag ni Dizon na mas maganda kung maisama sa curriculum ang nasabing usapin upang ito ay mapagtuunan ng pansin dahil sa obligado ang mga guro na gagawa ng lesson plan patungkol sa mga mga issues patungkol sa kalikasan tulad na lamang ng tamang pangangasiwa sa mga basura at pagtiyak na ligtas ang mga kemikal na ginagamit sa mga paaralan.
Sinabi niya na bagamat may mga bagay na itinuturo tungkol sa kalikasan ay iba pa rin kung ito ay tuloy-tuloy at may nakalatag ng sistema sa pagtuturo nito sa mga mag-aaral.
Iginiit ni Dizon na mahalaga na sa murang edad pa lamang ng mga mag-aaral ay maituro na ito upang lalo pang mapalaganap ang kaalaman ukol dito para makatulong sila sa pangangalaga sa kalikasan.
Kaugnay nito, sinabi ni Dizon na sa ngayon ay wala pang tugon dito ang Department of Education, subalit umaasa sila na ikokonsidera ito ng ahensiya.
Gayonman, sinabi niya na may school partners na sila na nagpapatupad ng mga mahahalagang polisiya sa pangangalaga at pagkalinga sa ating kalikasan.