Dismayado ang grupong Bantay Bigas sa ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Cathy Estavillo ng nasabing grupo na ito ay dahil hindi na binanggit ni Marcos ang kanyang mga pangako na ibababa sa P20 kada kilo ng bigas.
Ayon pa kay Estavillo na bagamat may sinabi ang Pangulo tungkol sa pagpapalakas sa sektor ng agrikultura ay pawang mga band-aid solutions lamang ito dahil hindi ito pangmatagalan at walang katiyakan na magpapataas sa local production ng mga magsasaka.
Binigyan diin niya na ito ay dahil walang sinabi si Marcos kung rerepasuhin ang Rice Tarrification Law at mga executive orders nito na nagtatanggal sa restrictions sa importasyon ng agricultural products tulad na lamang ng EO 62 na nagbawas sa taripa sa imported rice.
Idinagdag pa niya na ang mga sinabi ni Marcos na pagpapatayo ng solar irrigation at pagbibigay ng mga makinarya sa mga magsasaka ay dati na dahil ito ay nasa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Sinabi pa niya na wala ring sinabi ang Pangulo sa pagpapatigil ng land conversion at ang 45k hectares na dagdag na lupa na mapapatubigan para sa mga sakahan at napakaliit lamang mula sa sinabi ng Department of Agriculture na mayroon pang 1.2 million hectares na lupain na maaaring matamnan.