Isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros sa kanyang privilege kahapon na inilagak ng Government Service Insurance System (GSIS) bilang investment ang P1 billion na halaga ng kontribusyon ng mga miyembro nito sa isang online gambling platform.
Sinabi ni Hontiveros na nangyari ito sa ilalim ng liderato ng suspendidong GSIS President na si Jose Arnulfo “Wick” Veloso.
Bumili umano ang GSIS ng mga sapi o shares ng DigiPlus sa panahon na mataas ang halaga nito na umaabot ng P65.30.
Ayon kay Hontiveros, lugi na ang nasabing shares matapos na maitala ito sa halagang P13.68.
Kinuwestion ni Hontiveros ang nasabing hakbang ng GSIS na namuhunan sa online gambling gamit ang pera ng mga kawani ng pamahalaan.
Kahapon ay nagsara ang stock price ng DigiPlus sa halagang P24.50 bawat sapi.
Ayon pa sa senadora, tila mayroon umanong “pattern of reckless and questionable investment decisions” ang kasalukuyang liderato ng GSIS.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Games and Amusement, na iimbestigahan niya ang isiniwalat ng senadora.
Nitong nakaraang Hulyo nang patawan ng anim na buwan na suspensiyo ng Office of the Ombudsman si Veloso at anim pang opisyal habang isinasagawa ang imbestigasyon sa pinasok nitong P1.4 billion deal sa Alternergy.
Ayon sa Ombudsman, may nakitang sapat na basehan para suspendihin si Veloso at anim pang opisyal ng GSIS sa posibleng grave misconduct, gross neglect of duty, at violation of reasonable office rules and regulations dahil sa pagbili sa stock mula sa AlterEnergy Holdings Corporation na nakakahalaga ng P1.4 bilyon.
Sinabi naman ni Veloso, na makikipagtulungan ito sa ginagawang imbestigasyon ng Ombudsman sa ginawang investment ng GSIS sa Alternergy.
Sinabi ni Hontiveros na may “multiple red flags” sa kasunduan ng GSIS at Alternergy.
Dahil dito, sinabi ni Hontiveros na dapat kumilos ang Senado para masuri ang “policies, procedures, and guidelines” ng GSIS sa desisyon nito sa paglalagak ng pera ng mga miyembro bilang puhunan sa pinapasok na mga negosyo.