Naging emosyonal ang isang scrap collector nang marinig nito ang kanyang pangalan na nanalo ng P15K bilang Guaranteed Prize sa katatapos na Grand Draw ng Buena Mano Salvo Year 18 ng Bombo Radyo Philippines.
Sa panayam sa 40-anyos na si Gina Dizon mula Maddela St, Brgy Bagay, Tuguegarao City, malaking tulong para sa kanya ang napanalunang cash lalo nat mag-isa niyang itinataguyod ang tatlong anak mula nang iniwan sila ng kanyang asawa mula Tarlac.
Kwento ni Dizon, gamit ang kolong-kolong ay katuwang niya sa pagbabasura ang kanyang mga anak lalo na kung walang pasok sa paaralaan at nangongolekta sila ng mga basura sa mga residente dito sa Lungsod.
Ang mga nakokolektang basura aniya ang siyang gamit nila na proof of purchase upang makasali sa promo ng Bombo Radyo na kauna-unahang nanalo sa grand draw habang 2005 nang una naman itong nanalo sa Brgy Draw.
Ang pera namang napanalunan ay gagamitin ni Dizon bilang puhunan para ibalik ang dati nitong negosyo na pagbebenta ng gulay at prutas na natigil lamang noong ito ay nagkasakit na dahilan din ng kanyang mga pagkakautang.
Sa kabila ng hirap ng buhay ay nakakaraos naman aniya ang mag-iina at sa ngayon ay graduating na rin sa grade 6 ang kanyang panganay, nasa grade 4 ang ikalawa habang ang kanyang bunso ay nasa grade 3.
Samantala, 2nd prize winner naman si Gemali Macababbad mula Carig Sur Tuguegarao City na nanalo ng 10K habang 3rd prize winner si Consepcion Pattuggalan mula Ugac Norte, Tuguegarao City na nanalo ng 5K. Lahat sila ay gumamit ng surf powder bilang proof of purchase mula sa halos 88K entries ng Bombo Radyo Tuguegarao.