Tuguegarao City- Inaasahang maisasapinal ngayong araw ang mga guidelines na ipatutupad sa lungsod ng Tuguegarao sakaling pairalin na ngayong buwan ng Mayo ang General Community Quarantine (GCQ).
Sa Panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Jefferson Soriano, kailangang paghandaan ang magiging takbo ng sitwasyon upang malimitahan ang galaw ng publiko at makaiwas pa rin sa banta ng COVID-19.
Aniya, kabilang sa ikinukunsidera ng LGU Tuguegarao ay ang pamamahagi ng residence control pass ID sa mga barangay na maaaring gamitin ng mga residente sakaling lumabas at may mahalagang dapat puntahan.
Kabilang sa mga klasipikasyon ng residence control pass ID ang para sa mga frontliners, visitors ID, employee’s ID at iba pa.
Ang mga ito aniya ay ibibigay sa bawat barangay na silang mag-aabot sa mga identified na dapat mabigyan.
Paliwanag ng alkalde, magkakaroon din ng color coding sa bawat ID upang mabilis na matuloy ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng isang indibidwal.
Kaugnay nito, bubuksan na rin aniya ang takbo ng transportasyon sa lungsod lalo na ang mga tricycle upang may masakyan ang publiko.
Ngunit, iginiit ni Mayor Soriano na dapat isa lang ang magiging pasahero ng bawat tricycle upang mapanatili ang social distancing habang mandatory naman ang pagkakaroon ng alcohol at sanitizing kits sa mga ito.
Ayon pa sa kanya, hindi lahat ng mga tricycle ay maaaring mamasada dahil mayroon silang mga naka-set na schedules kung kalian maaaring lumabas at ito ay nakabase naman sa bawat case body number ng pinapasadang tricycle.
Samantala, may mga itinakdang opening at closing hours din para sa mga malls at establishimentong dapat magbukas para makabili ang publiko ng pangunahing mga pangangailangan.
Sa ngayon ay umaasa ang alkalde na magiging maganda ang implimentasyon ng mga guidelines na ipatutupad sa lungsod upang makaiwas sa virus bunsod ng COVID-19 pandemic.