Tuguegarao City- Sinimulan ng ipatupad kaninang 12:00am, October 3 ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa lungsod ng Tuguegarao.
Sa inilabas na kautusan ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, nakasaad sa ilalim ng MECQ Guidelines na maaaring pumasada ang mga tricycle batay sa color at number coding.
Sinabi ni Mayor Jefferson Soriano na ang pagluwag sa mga pampasaherong tricycle ay upang mayroon ding masakyan ang mga empleyadong kailangang pumasok sa trabaho.
Paliwanag ng alkalde na mayroong mga tanggapan na pinapayagan magbukas ng full operational capacity tulad ng mga ospital at iba pang essential establishments.
Pinapayagang mamasada ang mga tricycle ngunit dapat sumunod ang mga ito sa mga inilatag na kondisyon at kabilang dito ang isang pasahero lamang na dapat isakay ng bawat tricycle.
Kinakailangan ding nakasuot ang mga ito ng face mask/shiel bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.
Sa araw ng Lunes ay kulay green ang pinapahintulutang bumiyahe, kulay blue sa Martes, Red sa araw ng Miyerkules, Orange sa Huwebes at yellow sa Biyernes.
Ang mga pampasaherong tricycle na may ending plate number na 1, 2, 3, 4 at 5 ay papayagang bumiyahe sa araw ng Sabado habang ang mga may plate number na nagtatapos sa 6, 7, 8, 9 at 0 ay pinapahintulutang pumasad sa araw ng Linggo.
Samantala, sa paabiso naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) suspendido ang biyahe ng mga Public Utility Vehicle’s o PUV’s na may rutang Tuguegarao.
Ipatutupad ito sa loob ng 14 days na pagsasailalim sa MECQ dito sa lungsod ng Tuguegarao, mula October 3 hanggang 16.