Hindi makapaniwala ang Barangay Naggasican sa Santiago City na kabilang sila sa 10 nakatanggap ng parangal para sa “Walang Gutom 2024” na isinagawa sa palasyo ng Malakanyang na pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Reynante Bautista, kapitan sa nasabing barangay na sinubukan nila na sumali sa nasabing patimpalak kung saan ay itinampok nila ang kanilang “Gulayan sa Bakuran.”
Ayon kay Bautista, nagsimula ang nasabing proyekto, walong taon na ang nakalilipas na inumpisahan muna sa kanilang barangay hall hanggang sa isinulong na rin niya ito sa bawat purok hanggang sa bawat tahanan.
Sinabi niya na, nakaranas din sila ng hamon sa pagsusulong sa proyekto at sa pagpapanatili nito sa mga kabahayan dahil sa noong una ay marami ang ayaw itong gawin lalo na at maliit lamang ang kanilang espasyo para sa pagtatanim dahil ang kanilang lugar ay isang resettlement area.
Subalit, hindi sila tumigil hanggang sa natuto na rin ang bawat pamilya na magtanim ng mga gulay.
Ayon sa kanya, nang makita niya ang Walang Gutom 2024 ay hindi siya nagdalawang-isip na isali ang kanilang proyekto dahil alam niya na malayo na rin ang naabot ng kanilang inisyatiba.
Sinabi niya na malaking tulong sa kanilang lugar ang mga tanim na gulay at napatunayan nila ito noong panahon ng pandemya na mismong sa mga gulayan kinukuha ang kanilang mga pagkain at hindi kinailangan ang maraming tulong mula sa kanilang lokal na pamahalaan.
Ayon sa kanya, layunin din nito na maipakilala ang kanilang inisyatiba na maaaring tularan ng ibang mga barangay.
Idinagdag pa niya na kasabay ng pagtatanim ay nagagawa na rin ng mga residente ang maglinis sa kanilang mga bakuran at tinitiyak ang tamang pagtatapon ng mga basura.
Ang Walang Gutom Awards ay isang pagtutulungan ng DSWD at ng Galing Pook Foundation (GPF) na naglalayong parangalan at i-replicate ang pinakamahusay na programa ng mga LGU sa pagtugon sa gutom at seguridad sa pagkain sa kani-kanilang lugar.
Makakatanggap ang Barangay Naggasican ng P2m mula sa DSWD dahil sa nasabing parangal.