Nagsimula na kaninang hatinggabi Enero 12 ang pagpapatupad ng gun ban kasabay ang pagpapakalat ng mga checkpoints kaugnay ng nalalapit na May 2025 National at Local Elections na tatagal hanggang Hunyo 11, 2025.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, sa ilalim ng Republic Act No. 7166, ipinagbabawal ang sinumang indibiduwal na magdala o gumamit ng baril o anumang deadly weapon sa mga pampublikong lugar ng walang kaukulang permiso mula sa komisyon.
Tanging ang mga pulis at sundalo lamang ang pinapayagan na magdala ng armas subalit kailangan lamang na nakauniporme, may pangalan at nakasaad kung saan sila nakatalaga.
Ipinagbabawal din ang pagkuha sa mga pulis bilang mga escorts o security.
Samantala, nakakalat na rin ang mga checkpoints sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan paiiralin ang “plain view doctrine”.
Apela ni Garcia sa publiko na sumunod at huwag katakutan ang checkpoints dahil sa seguridad ito ng lahat.