Inihayag ng National Bureau of Investigation na huling nakita si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa probinsiya ng Bulacan.
Sa pagtatanong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, sinabi ni NBI Assistant Director Angelito Magno na may mga ulat na nakita si Guo sa Bulacan subalit ito ay bago maglabas ng arrest warrant ang Senado noong July 11.
Subalit, sinabi ni Magno nang puntahan ng mga otoridad ang posibleng kinaroroonan ni Guo, wala silang nahuli o nakita.
Dahil dito, tinanong ni Estrada kung kailan maaaresto ng NBI at Philippine National Police si Guo.
Tugon ni Magno na gagawin nila ang lahat upang maisilbi ang arrest order.
Subalit, hindi kuntento si Estrada sa sagot ni Magno.
Sinabi niya na kung hindi maaaresto si Guo sa loob ng isang buwan ay baka maapektohan ang pondo ng NBI at maging ng PNP.
Binigyan diin pa ni Estrada na mahina umano ang intelligence ng dalawang law enforcement agency.
Idinagdag pa niya na nakakapagtaka na mabilis na nahuhuli ng mga otoridad ang ibang indibidual at nahihirapan na maaresto si guo na isa nang kilalang personalidad.