Patay ang isang guro matapos siyang barilin ng kanyang asawa sa loob ng classroom sa Matalom, Leyte kahapon ng umaga, ayon sa Police Regional Office 8 (PRO-8).

Ito ang ikalawang insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan sa Leyte ngayong buwan.

Matatandaan na noong October 16, isang guro sa Tanauan, Leyte, ang binaril ng kanyang asawa sa loob ng classroom.

Hindi naman namatay ang nasabing guro sa tinamo niyang tama ng baril.

Hinihinalang selos ang dahilan ng insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Sa Matalom, kinilala ang biktima na si alias “Ellen,” 39, guro ng Agbanga Elementary School sa Barangay Agbanga, Matalom.

Binaril siya at napatay ng mister na si alyas “Lino,” 49, walang trabaho, residente ng Barangay Caridad Sur, Matalom.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente bandang 11:05 a.m. sa loob ng classroom ng co-teacher ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon, tumakbo sa nasabing classroom ang biktima para humingi ng tulong dahil hinahabol siya ng suspek na armado ng baril.

Nang maabutan, walang sabi-sabing pinagbabaril siya ng mister na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek, sakay ng minivan patungong Matalom proper.

Nagsasagawa na ng hot pursuit ang Matalom Municipal Police Station laban sa suspek.

Hinihinala ng pulisya na selos din ang motibo ng mister sa pamamaslang sa misis na guro.