Arestado ang isang 52-anyos na guro matapos niyang pakainin umano ng ipis ang lalaking estudyante na nakahuli sa kaniya na minomolestiya umano ang isang babaeng estudyante sa loob ng CR sa Tondo, Maynila.

Isinilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest laban sa nasabing guro sa loob mismo ng paraalan kung saan siya nagtuturo.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente sa loob ng paaralan noong Oktubre 25, 2025.

Ayon sa Manila Police District, batay sa hawak nilang report at sa salaysay ng biktima, nahuli niya ang guro na minomolestiya ang isang babaeng estudyante sa CR sa loob ng eskwelahan.

Nang makita ng biktima ang ginagawa ng guro, tinakot siya at pinagbantaan na papatayin kapag nagsumbong at pinakain ng ipis.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa MPD, hindi nagsampa ng reklamo ang menor na edad na babae na minolestiya umano ng guro, habang Nobyembre naman nagsampa ng reklamo ang lalaking Grade 7 student na pinakain niya umano ng ipis.

Lumabas ang arrest warrant para sa guro nitong Disyembre 11.

Dagdag pa ng MPD, posibleng iimbestigahan din nila kung may pananagutan ang eskuwelahan dahil sa loob ng paaralan naganap ang insidente.