Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang isang guro sa senior high school upang kuwestyunin ang legalidad ng imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng umano’y korapsyon sa mga proyekto sa flood control.

Sa kanyang petisyon, iginiit ni Barry Tayam na ang ICI, na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 94 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay maihahalintulad sa Philippine Truth Commission na idineklarang labag sa Konstitusyon noong panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Binanggit ni Tayam na may posibleng conflict of interest dahil iniimbestigahan ng ICI ang Department of Public Works and Highways, isang ahensyang nasa ilalim ng Ehekutibo. Idinagdag pa niyang nagiging labis ang tungkulin ng komisyon dahil mayroon nang mga ahensyang may kaparehong mandato gaya ng Office of the Ombudsman at Department of Justice, pati na rin ang mga komite ng Senado at Kamara.

Bagama’t kinukuwestyon niya ang legalidad ng ICI, sinabi ni Tayam na bukas siya sa posibilidad ng pagpapalakas ng mandato ng komisyon sa pamamagitan ng panukalang batas para sa pagtatatag ng Independent People’s Commission.

Kasalukuyang ipinapasa ng ICI ang mga natuklasan nito sa Office of the Ombudsman habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga flood control project sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --