Patuloy na naaapektuhan ng Southwest Monsoon o Habagat ang Hilagang Luzon ngayong Linggo, Agosto 3, 2025, ayon sa ulat ng weather bureau.
Inaasahan sa Batanes ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
Babala ng ahensya, maaaring magdulot ng flash floods o landslide ang katamtaman hanggang sa malakas na buhos ng ulan.
Sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o pagkulog-pagkidlat dulot pa rin ng habagat.
Maaaring magdulot din ito ng pagbaha o pagguho ng lupa, lalo na sa oras ng malalakas na thunderstorm.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng panandaliang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat dahil sa localized thunderstorms.
Muling paalala ng weather bureau na posibleng magdulot ng flash floods o landslide ang matitinding thunderstorm.
Sa kasalukuyan, wala pang binabantayang low pressure area o anumang sama ng panahon na maaaring maging bagyo.
Katamtaman hanggang sa maalon ang karagatan sa Extreme Northern Luzon, habang bahagya hanggang katamtaman naman sa natitirang bahagi ng bansa.