Inaasahang magdadala ng pag-ulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa kanlurang bahagi ng Luzon ngayong Linggo, ayon sa ulat ng state weather bureau.

Apektado nito ang mga rehiyon gaya ng Ilocos Region, Batanes, at Babuyan Islands, kung saan mararanasan ang maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Bukod dito, ang Metro Manila, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Palawan ay makararanas din ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan, na may mga panaka-nakang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat dulot ng Habagat.

Sa iba pang bahagi ng bansa, ang lagay ng panahon ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan sanhi ng localized thunderstorms.

Samantala, binabantayan ngayon ng weather bureau ang Severe Tropical Storm Podul na huling namataan sa layong 1,875 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon.

-- ADVERTISEMENT --

Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 110 km/h at bugso na hanggang 135 km/h, habang ito ay kumikilos pa-kanluran sa bilis na 15 km/h.

Ayon sa ahensiya, inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw, at kapag ito ay pumasok, tatawagin itong Bagyong Gorio.

Base sa kasalukuyang forecast track, inaasahang mananatili si Podul sa hilagang-silangang bahagi ng PAR at posibleng mag-landfall sa Taiwan sa Miyerkules bago ito tuluyang lumabas ng PAR.

Sa ngayon, mababa ang tsansa na magkaroon ito ng direktang epekto sa Pilipinas.

Gayunpaman, kung bababa ang direksyon ng bagyo patungong timog, posibleng magtaas ng Tropical Cyclone Warning Signal sa Batanes.

Nilinaw rin ni Badrina na hindi inaasahang palalakasin ni Podul ang umiiral na Habagat, kaya naman inaasahang magiging pangkalahatang maayos pa rin ang panahon sa malaking bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.

Samantala, kinumpirma rin ng ahensiya na tuluyan nang humina at naglaho ang low pressure area na dating tinawag na Fabian, bandang alas-dos ng madaling araw ng Linggo.