TUGUEGARAO CITY- Pinag-aaralan ngayon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 2 ang mga hakbang ng pagpaparami ng isadang ludong sa Rehiyon.

Ito ay kasabay na rin ng ginagawang pangangalaga sa mga ito sa pamamagitan ng patuloy na pagsulong ng ahensya ng closed fishing season upang maiwasan ang pagka-ubos ng mga isda.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Aeron Mayor, Asst. Project Leader ng Ludong Conservation, 2018 ng simulan ng BFAR Region 2 ang proyektong “Oplan Sagip Ludong” upang isalba ang patuloy na pagliit ng bilang ng mga ito dahil sa panghuhuli ng wala sa tamang panahon.

Aniya, ipinagpapatuloy pa ng ahensya ang pangangalaga sa mga nasabing isda kung saan ay mayroon silang mga hinuling ludong para paitlugin at paramihin.

Sinabi ni Mayor na batay sa ginawang pag-aaral ay natuklasan na may tatlong species ng ludong ang makikita sa Cagayan River batay na rin sa resulta ng morphological characteristics ng mga ito.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, nagtalaga ang BFAR Region 2 ng tatlong sanctuary establishments na tututukan at babantayan dahil batay sa pag-aaral ay dito nakikitang naglalagi ang mga nasabing uri ng isda.

Kabilang sa mga identified sanctuaries ay sa bahagi ng Ilagan City, Reina Mercedes at Divilacan na itinuturing na tributary ng Cagayan River.

Nabatid na pagkatapos ng closed fishing season, umaakyat ng upstream ang mga napisang ludong para lumaki at muling bumababa sa oras na sila ay mangingitlog ulit.