
Umabot na sa mahigit P8 bilyon ang halaga ng ilegal na drogang shabu na narekober sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa Luzon nitong mga nakaraang araw, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Aabot sa 66 sako na naglalaman ng 1.2 tonelada o 1,297.911 kilo ng shabu ang natagpuan ng mga mangingisda sa karagatan ng Masinloc, Zambales; Santa Cruz, Ilocos Sur; at ilang baybayin sa Pangasinan.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, isa ito sa pinakamalaking recovery ng droga sa dagat. Huling nadiskubre ang 25-kilong sako ng shabu sa Magsingal, Ilocos Sur.
Pinaniniwalaang iisa ang pinanggalingan ng mga kontrabando, na posibleng mula sa Golden Triangle syndicate, batay sa pagkakapareho ng packaging.
Dahil dito, plano ng PNP na paigtingin ang coastal patrols kasama ang Coast Guard at Navy.
Nauna na ring ginawaran ng P100,000 at mga sako ng bigas ang siyam na mangingisdang nakakita ng kontrabando sa Zambales.
May insentibo ring nakalaan para sa mga mangingisda sa Ilocos at Pangasinan.