Aabot sa halos isang milyong piso ang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog sa Brgy.Biduang Pamplona, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SF04 Ralph Paul Bacud, officer in charge ng Pamplona fire station na kasama sa mga mahahalagang gamit na tinupok ng apoy ay ang sound system habang bahagyang nasunog ang Hyudai Starex at motorsiklo na nakaparada sa talyer ng nasunog na bahay.

Ayon kay Bacud, mayroon itong kabuuang halaga na P929,800 batay na rin sa pag-estimate ng may-ari ng bahay na si Ginang Marcela Dela Cruz, 68-anyos.

Sinabi niya na batay sa pagtatanong ng imbestigador ng BFP Pamplona kay Ginang Dela Cruz nag-umpisa ang apoy sa kuwarto ng kaniyang anak.

Ayon kay Bacud na bago umano sumiklab ang apoy ay nakita ng biktima na nag-spark ang outlet o saksakan sa loob ng kuwarto ng tanggalin umano niya ang nakasaksak na charger ng cellphone.

-- ADVERTISEMENT --

Lumalabas sa imbestigasyon, bandang alas-9:15 ng umaga nitong Lunes ng nagsimula ang sunog kung saan bandang alas-10:00 ng umaga nang idineklara itong fire out sa tulong ng BFP Sanchez Mira. Batay sa paunang pagsisiyasat ng BFP, posibleng electrical short circuit ang sanhi ng sunog.

Dahil dito, pinaalalahanan ni Bacud ang publiko na ipasuri sa mga licensed electrician ang mga linya ng koryente sa mga kabahayan lalo na kung matagal na itong nakakabit para maiwasan ang insidente ng sunog.