Lalo pang tumaas ang halaga ng danyos na iniwan ng bagyong Enteng sa sektor ng pagsasaka, batay sa huling datus na inilabas ng Department of Agriculture.
Batay sa datus, umabot na sa kabuuang P659 million ang iniwang danyos kung saan malaking bahagi nito ay mula sa Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western, at Eastern Visayas.
Umabot na sa 22,309 ektarya ng mga sakahan ang nakumpirmang naapektuhan na may katumbas na 28,788 metriko tonelada.
Malaking bulto nito ay mula sa mga palayan na may kabuuang 20,000 ektarya o katumbas ng P624 million na danyos.
Ang nalalabi ay pinaghati-hatian na ng mais, high value crops, cassava o kamoteng kahoy, atbpa.
Umaabot na rin sa 27,598 magsasaka ang nakumpirmang naapektuhan sa pananalasa ng bagyo.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang assessment ng mga field officer ng DA sa ground level kayat maaari pang magbago ang datus.
Ayon pa sa DA, inihahanda na rin ang mga tulong na maaaring ipamahagi sa mga apektadong magsasaka, kabilang ang P200 million na halaga ng binhi, biocontrol measure, at mga farm tool.